Ang buwan ng Mayo ay pinagdiriwang ng buong Batangas bilang buwan ng mga bulaklak. Maraming bayan partikular na ang Calaca ang nagsasagawa ng pag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen gabi-gabi. Dito sa bayan ang bawat miyembro ng barangay ay nagkakaisa upang maipagpatuloy ang nasimulang tradisyon.

Tuklong

Bawat barangay ang naghahanda ng kani-kanilang "Tuklong" o pansamantalang kapilya para sa mga gaganaping pagaalay

Ang bawat barangay ay nagpapatayo ng kani-kanilang “tuklong”o pansamantalang kapilya para sa gabi-gabing kasayahan. Pumipili ang mga nakatatanda sa kanilng barangay ng magiging hermana o hermano. Ang hermano ang siyang punong abala sa pagpapatayo ng tuklong, siya rin ang nagpapakain sa mga taong gumagawa dito. Ang mga kalalakihan ay nagbabayanihan sa paggawa ng tuklong. Ang tuklong ay nilalagyan ng bubong na yari sa tuyong dahon ng buko at ang mga upuan at haligi ay maaaring yari sa kawayan. Ang mga kababaihan naman ang siyang nag-aayos ng altar kung saan ilalagak ng isang buwan ang Mahal na Birhen para sa pagdiriwang. Ang altar naman ay maaari ding yari sa yero o tuyong dayami.  Ang altar ay nilalagyan ng iba’t ibang disenyo na magbibigay giliw sa mga panauhin. Nilalagyan din ito ng iba’t ibang bulaklak at mga kandila tuwing gabi kapag umpisa na ang pagdarasal. May mga naglalakihang ilaw din na magbibigay liwanag tuwing gabi.

Bago mag-umpisa ang alayan ang mga kadalagahan ay naglilinis sa harap ng altar at nagtatanggal ng mga tuyong bulaklak. Ang mga binata naman ay nagaayos ng sound system para marinig ng buong barangay ang pagdarasal ng rosaryo at marinig ang hudyat ng bell.

Ang mga nakatatanda ay naghahanap ng  “aalay” araw-araw.  Gabi-gabi, ang mga matatanda kasama ng

Hermano at Hermana Mayor

Pumipili ang mga nakatatanda sa kanilng barangay ng magiging hermana o hermano bilang pulong abala sa pagpapagawa ng mga tuklong at pagpapakain sa mga tao

ilang kababaihan ay ngdarasal ng rosaryo upang pasimulan ang alayan. Ang ibang kalalakihan naman ang siyang umaawit ng mga awitin para kay Maria. Ang malalakas na tunog ng bell ang siyang naghuhudyat para sa mga kabataan na umpisa na ang alayan.  Halos lahat ng bata sa barangay ay maaaring “dumama” o mag-alay ng bulaklak sa Mahal na Birhen. Buong gabi ay maririnig ang awitin na sinasabayan din ng mga bata. May ilang bata naman ang nagbibitbit ng basket na may mga ginupit-gupit na bulaklak  at dahon bilang pagbibigay-giliw sa mga dumadama at sa birhen. Ang “alay” naman sa araw na iyon ang siyng pinakahuling nag-aalay ng bulaklak sa altar. Ang pamilya ng “alay” ay ngpapasalamat sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain sa mga batang dumama, sa mga mandarasal at sa mga umaawit at gitarista. Ang bawat isa ay umuuwing may baong pagkain at may ngiti sa labi.

Sa pagtatapos ng buong buwan, ang bawat barangay naman ay ngsasagawa ng Santacruzan. Ang mga matatanda at hermano ay pumipili ng mga magagandang babae sa barangay o maging sa karatig-bayan upang sumagala o sumama sa prusisyon. Pumipili din sila ng mga matitipunong lalaki na magiging konsorte ng babae. Ang mga babae ay nagsusuot ng mga magagandang damit o gown at ang mga lalaki ay ngsusuot ng mga magarang barong.

Santacruzan

Ang mga matatanda at hermano ay pumipili ng mga magagandang babae at matitipunong lalaki sa barangay o maging sa karatig-bayan upang sumagala o sumama sa prusisyon

Ang hermano ay siyang nagaasikaso ng gagamiting banda sa prusisyon. Siya rin ay tumutulong sa paggawa ng arko at pagaayos sa Mahal na Birhen. Ang Birhen na sinasama sa prusisyon ay sinusuotan ng magandang damit o kapa. Ang kanyang sasakyan naman ay napapalibutan ng magagandang bulaklak at malalaking ilaw. Ang mga bata naman ay may hawak na kandila o ilaw na siyang nagsisilbing liwanag sa gabi sa mga dalagang sumasagala. Ang Santacruzan ay lumilibot sa buong barangay kasama ang Reyna Elena at Reyna Emperatriz.  Sa pagtatapos ng pagdiriwang ang hermano ang siyang nagbibigay ng pagkain sa mga taong sumama sa prusisyon.