Ang Batangas ay matatagpuan sa Timog-Hilagang bahagi ng Luzon at kabilang sa CALABARZON Region. Ang probinsiya ng Batangas ay binubuo ng 31 municipalities at 3 siyudad. Kilala ang Batangas sa mga pamosong beaches at dive spots na talaga namang dinarayo ng mga turista at mga Manilenyo. Maliban sa mga pamosong karagatan, kilala rin ang Batangas sa mga pagdiriwang tulad ng Piyesta at mga Okasyong  nilalahukan ng ibat ibang bayan dahil sa pagiging makulay, maingay  at higit sa lahat nakapagbibigay ng aliw at saya. Ilan sa mga kilalang Fiesta na kinikilala hindi lamang sa Batangas, pati na rin sa mga karatig siyudad ay ang mga sumusunod…

Parada ng mga Lechon

Parada ng Lechon

Parada ng mga Lechon (Balayan Batangas)

Ipinagdiriwang ang  “Parada ng Lechon”  kasabay ang pagdiriwang ng kapistahan ni San Juan Bautista. Ito ang patron ng bayan ng Balayan. Ito ay ginaganap tuwing Hunyo 24 kada taon. Ang bawat barangay dito ay nagdadala ng kani-kaniyang lechon para iparada sa buong bayan ng Balayan. Ang mga lechon ay sinusuotan o pinapalamutian ng iba’t ibang disenyo na angkop sa tema ng piyesta. Pagkatapos ng parada, pinagsasaluhan ng buong bayan ang mga lechong kanilang pinarada.

Subli-an sa Batangas

Subli-an Festival

Subli-an Festival (Bauan, Batangas)

Ito ay ginaganap tuwing 23 ng Hulyo. Ito ay orihinal na nagumpisa bilang debosyon sa Banal na Krus. Nang magtagal, ito ay naging isang uri ng sayaw na mas kilala bilang “Subli”. Ito ay sayaw na nagmula sa Batangas. Ang Subli ay sinasayaw sa saliw ng musika na may apat (4) na uri: ang unang uri  ay inaawit ng isang mang-aawit;   ang ikalawa ay nagbibigay pugay sa Banal na Krus ng Bauan at nagsasalaysay ng pinagmulan ng Batangas; ang ikatlo ay ang mismong “Subli”  na may kasamang tula, sayaw at awit; samantalang ang ikaapat naman ay tumatalakay  sa buhay ng may-akda sa kanyang paghahanap ng kanyang kaganapan.

Ang Subli ay isang uri ng kultura na tumutukoy sa uri ng pamumuhay ng mga mamamayan na nilapatan ng musika upang kapulutan ng aral.  Ito ay isang tradisyong kinagisnan ng mga Batangueño na naging isang ganap na pista kung saan ang mga mamamayan ay sama-samang nag-aalay ng sayaw sa buong bayan ng Bauan, Batangas bilang paggunita ng kanilang araw ng pagkakakilanlan.

Tapusan Festival

Tapusan Festival

Tapusan Festival (Alitagtag, Batangas)

Ang tapusan ay ginaganap bilang pagpupugay sa Banal na Krus.  Ito ay isang buong araw ng selebrasyon tuwing unang araw ng Mayo sa ganap na ika-7:00 ng umaga.  Nag-aalay ng mga naggagandahang bulaklak sa paanan ng krus sa simbahan tuwing hapon pagkatapos ng bawat misa.  Ang pinakamasayang araw ng paggunita nito ay tuwing huling araw ng Mayo kung saan nagdaraos ng isang makulay na prusisyon ang mga mamamayan sa buong nayon.  Ang Banal na Krus ay inilalagay sa isang napakagandang karosa kasama ng iba pang karosang may magaganda at sari-saring dekorasyon sakay ang iba’t ibang imahe ng Mahal na Birheng Maria. Ito ay ginagawa sa Alitagtag, Batangas.

Tinapay Festival

Tinapay Festival

Tinapay Festival (Cuenca, Batangas)

Ito ay ginaganap taun-taon mula Pebrero 7 hanggang 13 sa Cuenca, Batangas.  Ito ay ginagawa para pasalamatan ang mga panadero o manggagawa ng tinapay sa probinsya para sa kanilang mahusay na paggawa ng mga tinapay. Karamihan kasi dito ay may negosyong bakery o panaderya. Kasabay nito, binibigyang parangal ang patron ng Cuenca na “Our Lady of Peace and Good Voyage” para sa pasasalamat sa masaganang pamumuhay ng buong bayan. Ang pinakamalaki at pinakamahabang tinapay ay may iba’t ibang hugis at anyo. Ang mga likha ng mga taga-Cuenca ay ipinaparada sa pangunahing daan ng kanilang bayan. Pagkatapos ng parada, ang lahat ng dumalo ay iniimbitahang kumain ng iba’t ibang uri ng tinapay na kanilang magustuhan. Kaya ang Cuenca, Batangas ay tinaguriang “Home of the Bakers.

Pagoda sa Ilog ng Pansipit (Fluvial Procession at Pansipit River)

Pagoda sa Ilog ng Pansipit

Pagoda sa Ilog ng Pansipit (Taal, Batangas)

Ang pagoda ng Taal Batangas ay ginaganap taun-taon tuwing Disyembre 8 at 9. Ito ay 2 araw na pagdiriwang ng buong bayan. Ang hermano mayor o committee heads ang nangunguna sa preparasyon ng taunang pista. Bawat taon, namimili sila ng magiging hermano na kilala at respetado sa bayn ng Taal. Ito ang namumuno ng selebrasyon.

Ang pagdiriwang ay naguumpisa sa 9 na araw na nobena na nagtatapos ng Disyembre 7. Ang araw ng selebrasyon ay Disyembre 8, kapistahan ng Immaculate Conception. Ang misa ay nagaganap sa simbahan ng Birhen ng Caysasay sa Labac. Pagkatapos ng misa, pagbibinyag at pagkukumpil ay nagaganap bilang tradisyon ng maraming bayan sa Batangas.

Ang prusisyon ay naguumpisa pagkatapos ng misa sa hapon sa ganap na 4:00. Ang imahe ng Birhen ng Caysasay ay iniikot sa mga baryon g Labac, Tatlong Maria at Seiran. Bawat baryo na dinadaanan isang “luwa” ang nagaganap. Ang “luwa” ay isang tula para sa Birheng Maria.

Ang pagoda ay naguumpisa kapag ang imahe ng Birheng Maria ay dinala na sa ilog ng Pansipit. Ang mga taumbayan ay sumasakay sa mga Bangka. Ang imahe ng Birhen ng Caysasay ay dala-dala ng mga deboto sa pagoda. Sila ay sakay ng mag Bangka na pinalibutan ng mga bulaklak. Ang prusisyon sa tubig ay nagtatapos sa Nagpuloc.

Sa Nagpuloc, ang Birhen ay ililipat sa naghihintay na karosa. Ang prusisyon ay papunta sa pangunahing kalsada ng Taal kasama ang musiko habang nagdarasal ang mga deboto. Ang mga kabataan na kabilang sa parada  ay nakasuot ng barong at saya na siyang nagtatangan ng ilaw. Sa pagtatapos ng prusisyon makukulay na paputok  ay makikita sa kalangitan.

Sa simbahan, ang hermano ang nagbibitbit sa Birheng Maria patungo sa altar. Ang mga deboto naman ay nagsasagawa ng Rosary vigil at mga awit hanggang magumpisa ang misa kinabukasan.

Ang buong munisipyo ay napupuno ng mga tao, doon ay may nakahandang programa at presentasyon na inihanda ng mga komite. Pagsapit ng Disyembre 9, tuloy pa rin ang pista kung saan ang buong baryo ay imbitado na dumalaw at kumain sa bawat bahay.

Tinapahan Festival

Tinapahan Festival

Tinapahan Festival (Lemery, Batangas)

Ang Tinapa Festival ay ginaganap sa Lemery, Batangas tuwing 14 ng Mayo. Ito ay ginaganap taun-taon hindi lamang para pasalamatan ang tinapahan na siyang pangunahing negosyo sa lemery kundi upang palaganapin ang turismo sa Batangas. Ito ay tatlong araw na pagdiriwang,na nagpapakita ng iba’t ibang paraan ng food processing, lectures sa livestock raising, trade fair ng iba’t ibang produktong agro-industrial  at may food demo competition pa.

Tuwing piyesta, ang mga komite ay nagsasagawa ng group dancing competition at street pageant. Ito ay pumaparada sa buong bayan ng Lemery. Ang bawat kalahok ay gumagawa ng makukulay na dekorasyon na sumasalamin sa negosyong tinapahan tulad ng bilao, mga isda, basket at mga kawayan.

Kabakahan Festival

Kabakahan Festival

Kabakahan Festival (Padre Garcia, Batangas)

Ang Kabakahan Festival ay sineselebra tuwing anibersaryo ng Padre Garcia, Batangas. Ito ay mas kilala bilang “Cattle Trading Capital of the Philippines.”

Ang isa sa mga tinatangkilik dito ay ang “Rodeo Ala Graciano”. Maraming turista at iba’t ibang kalahok ang dumarayo dito. Dito ang mga kalahok ay nagpapakita ng galing sa iba’t ibang hayop.

Sinukmani Festival

Tuwing Hunyo 9, ang Sinukmani Festival ay ginaganap sa Rosario, Batangas. Ang Rosario ang siyang tinaguriang “Rice Granary of Batangas” kaya ang pagdiriwang ay hango sa bigas. May 48 barangay ang Rosario, lahat sila sa pamumuno ng opisyal ng kanilang barangay ay lumalahok sa taunang pagtitipon.

May street dance competition na siyang pinakaaabangan ng lahat. Lahat ng mga kalahok ay nakasuot ng mga kasuotang yari sa bilao at banig, mga gamit sa

Sinukmani Festival

Sinukmani Festival (Rosario, Batangas)

paggawa ng sinukmani. Ang mga kalahok ay pawang mga estudyante ng iba’t ibang barangay.

Ang katakamtakam na paligsahan ng pinakmahabang sinukmani ay isa rin sa pinapanoodng mga tao. Ang sinukmani ay pinagsama-samang gata ng niyog, asukal at malagkit na bigas. Ito ay maaari ding lagyan ng latik sa ibabaw, dinurog na mani, at ginadgad na buko. Ang barangay na may pinakamahabang sinukmani ang siyang magwawagi.

Sigpawan Festival

Sinagpawan Festival

Sinagpawan Festival (Lemery, Batangas)

Ang bayan ng Lemery sa Batangas ay nagdiriwang ng Sigpawan Festival tuwing Abril 8. Dito naipapamalas nila ang kanilang agro-torismo.

Ang pagdiriwang ay nagpapakita ng mayamang kultura at likas na yaman ng Lemery. Ipinapakita din ang iba’t ibang produktong agrikultural, at ang pinakasikat na sinaing na tulingan.

Ang Lemery Batangas Development Foundation Inc. at ang tourism office ng munisipyo ang nangangasiwa ng pagtitipon.Ang isang araw na pagtitipon ay nagsisimula sa isang misa na sinusundan ng prusisyon sa dagat patungo sa daungan.

May street dancing na pinapanood ng lahat. Ang lahat ng kalahok ay nagsusuot ng makukulay na kasuotan na gamit ang sigpaw. Ang Sigpaw ay isang maliit na lambat na may hawakan na ginagamit ng mga mangingisda sa panghuhuli ng isda at hipon sa mga dalampasigan. Ginagamit din ito ng mga magsasaka sa pagpitas ng mga prutas sa puno.

CalacAtchara Festival

Calacachara Festival

Calacachara Festival (Calaca, Batangas)

Ang Atchara Festival ay pinagdiriwang tuwing buwan ng Oktubre. Tuwing Oktubre 24 pinagdiriwang din ng bayan ng Calaca ang kanilang patron na si San Raphael Archangel.

Sa CalaAtchara Festival maraming paligsahan ang ginagawa. Isa na rito ay ang Drum and Lyre Exhibition na sinasalihan ng mga estudyante mula elementraya at high school. Mayroon ding Agri Fair na nagpapakita ng mga bagong pananim. May paligsahan din sa mga natatanging barangay . Mayroon ding Binibining Calaca na nilalahukan ng mga naggagandahang Calaqueñas.Isama pa ang paligsahan sa pagluluto ng masarap na atchara. Meron ding labanan sa modern dance Ang lahat ng ito ay sinasalihan ng bawat barangay sa Calaca.

Ang atchara ay maaring gawa sa ubod ng niyog, papaya, labong at maaring ring gawa sa ampalaya.

Anihan Festival

Ang bayan ng Lobo sa Batangas ay nagdiriwang ng kanilang Anihan Festival tuwing Setyembre, mula 24-hanggang 29. Ipinakikita sa pagdiriwang na ito ang makulay na sining na nagbibigay sigla sa bayan.  Noong taong 2009, idinaos ng mgataga-Lobo ang ika-133 anibersaryo ng kanilang bayan at ang ika-5 taon ng Anihan Festival.

Ayon sa mga mamamayan ng Lobo, ang pistang ito ay ginaganap taun-taon upang magpasalamat sa masaganang ani pati na rin ibahagi ang mayamang kultura, kahusayan at kababaang-loob  ng mga Taga-Lobo.

May parada sa lansangan at paligsahan sa pagsasayaw na siyang inaabangan ng lahat. Ang mga kalahok ay nagsusuot ng mga makukulay at naggagandahang kasuotan. Dito ipinakikita ang kanilang mga ani, tulad ng atis, sampalok, bigas, buli, mais at pinatuyong balat ng puno at mga kabibe.

Ang pagdiriwang ay pagbibigay parangal din sa patron ng bayan ng Lobo si San Michael de Arkanghel. At isang pagoda o fluvial parade ang isinasagawa sa Lobo Bay na siyang nagbibigay hudyat sa pagtatapos ng selebrasyon..

Coffee Festival

Coffee Festival

Coffee Festival (Lipa City, Batangas)

Ang Coffee Festival ay ipinagdiriwang sa Lipa City, Batangas. Ito ay ginaganap mula Disyembre 11 hanggang  16. Dito ipinapakita na ang Lipa ang tinaguriang “Coffee Granary of the Philippines. Ipinagmamalaki ng buong Lipa ang kapeng barako na siyang pangunahing produkto ng bayan. Sa kanilang pagdiriwang makikita ang isang trade fair, tiangge, mga palaro, “Karera ng Tibutrin,” at Search for Barako ng Bayan.

Ang kapeng barako ay may matapang na lasa at amoy kaya ito ay tinaguriang Barako na ang ibig sabihin ay matapang.

Kinulob Festival

Kinulob Festival

Kinulob Festival (Mabini, Batangas)

Ang mga taga-Mabini, Batangas ay nagdaraos ng taunang Kinulob Festival tuwing ika-16 ng Mayo.Ipinamamalas ng pagdiriwang na ito ang kanilang pangunahing pangkabuhayan ang manukan at iba pang produktong galing dito. Ito ay taunang isinasagawa para ipakita ang kanilang nakagisnang tradisyon pati na ang pasasalamat sa mga taong nagmamanukan.

Ang mga Tagalog na  manok o native ay niluluto sa iba’t ibang paraan tulad ng adobo, tinola, inihaw nilaga, at ang pinakapaborito ng marami ay ang lutong kinulob. Dito halaw ang kanilng pagdiriwang. Ang kinulob ay niluluto sa pamamagitan ng paglalagay ng manok sa isang nakaselyadong lalagyan at niluluto sa nagbabagang apoy.

Ang bawat barangay ay nag-eensayo ng kani-kaniyang kalahok sa paligsahan. Ang mga kasali sa street dancing ay nakasuot ng mga costume na nagpapakita ng kanilng kabuhayan, ang manukan. Ang mga ito ay makukulay at naggagandahan na nagbibigay giliw sa mga manonood. Bawat isang kalahok ay may ngiti sa labing nagpapamalas ng kanilng kakayahan.

Mayroon ding parada ng mga kinulob na manok. Sinusuotan nila ito ng iba’t ibang kasuotan at pinapalamutian na nagpapasaya sa mga taga-Mabini.  Maliban sa parada, meron ding iba’t ibang lutong kinulob na manok  sa paligid na maaaring tikman ng kahit sino.

Paskuhan sa Maraykit

Ang Paskuhan sa Maraykit ay ipinagdiriwang ng mga taga-San Juan, Batangas tuwing ika-2 ng Disyembre.  Ito ay taunang selebrasyon na nagpapakita ng kultura ng buong San Juan. May paligsahan ding nagaganap tuwing ipagdiriwang ito tulad ng “juego de anillo,” paligsahan sa paggawa ng parol. Namimili din sila ng pinakamaganda at pinakamaayos na bahay sa buong San Juan na kanilang pinaparangalan.

Salubong  (Holy Cross Festival)

Ang Holy Cross Festival ay ginaganap sa mga bayan ng Bauan at Alitagtag tuwing ika-16 ng Abril. Ipinapakita dito ang pagsalubong ng Banal na Krus ng Bauan at ang Banal na Krus ng Alitagtag sa Binukalan Shrine sa ganap na 8 ng umaga. Ang selebrasyon ay may iba’t ibang programa at mayroon  ding mga awitin na papuri sa Banal na Krus na sinasaliwan ng street dancing. Pagdating ng alas 2 ng hapon, ang Banal na Krus ng Bauan ay ibinabalik sa Simbahan ng Bauan upang doon ay bigyan siyang kasiyahan.

Lambayok Festival

Lambayok Festival

Lambayok Festival (San Juan, Batangas)

Ang Lambayok Festival  ay ginaganap tuwing buwan ng Disyembre ng mga taga-San Juan, Batangas.Sa selebrasyong ito pinapakita ang mga pangunahing pangkabuhayan ng mga taga-San Juan. Ang lambanog, ang paggawa ng mga palayok at ang pagdami ng bilang ng mga resort ang tatlo sa kanila. Ang kanilang selebrasyon ay nagpapamalas ng kanilang kultura, pagiging malikhain, at pagiging matiyaga.

Ang lambanog ay kilala bilang inumin ng mga kalalakihan na nakukuha sa niyog. Ito rin ang pinakamurang inumin dahil sa proseso ng paggawa nito. Ang sayawan na kanilang ipinapakita ay tinatawag na “tagayan,” ito ay isang salin-lahi. Ang street dancing ay nagpapamalas ng pagigingmalikhain ng mga taga-San Juan. Ang mga makukulay at naggagandahang kasuotan ay halaw sa mga gmit na nakukuha sa puno ng niyog. Ang mga float ay tinatawag na “Lambanugan” kung saan ipinapakita ang iba’t ibang produkto na makukuha sa puno ng niyog at kung paano ginagawa ang lambanog.  Ito ay mga paligsahan na makikita sa kanilng pagdiriwang ng Lambanog Festival.

Ang mga mananayaw ay nagsusuot ng damit bilang mangangarit. Ang “mangangarit” ay ang mga trabahador na umaakyat ng puno tuwing hapon upang mangolekta ng mga katas ng niyog. Sa umaga, ang mga ito ay nagging tuba at sa kalaunan ng proseso ay nagiging lambanog. Ang negosyo ng lambanog ay nakikilala na sa iba’t ibang parte ng Batangas maging sa buong Pilipinas. At ngayon ito ay mabibili na sa iba’t ibang flavor tulad ng manga, blueberry, bubble gum, cinnamon at iba pa.